Tiyak na marami tayong kababayang problemado sa pagpapa-renew at pag-aapply ng pasaporte ang matutuwa sa pinakabagong anunsyo ng Department of Foreign Affairs (DFA).
Ayon sa DFA, maaari nang makuha ang libu-libong appointment slot ng mga nais mag-renew o mag-apply ng kanilang mga pasaporte dahil sa ilang pagbabago ang ipinatupad ng DFA.
Libu-libong slots ang bubuksan para sa mga appointment sa Setyembre bukod sa 94,350 karagdagang slots na binuksan mula Hulyo hanggang Agosto, ayon kay Assistant Secretary Frank Cimafranca ng Office of Consular Affairs. Kinumpirma rin ni Cimafranca na nadadagdagan ng 62,450 slots ang mga appointment na binuksan nakaraang buwan matapos pataasin ng DFA ang appointment quotas ng bawat consular office.
Ang natitirang 31,900 ay nanggaling naman sa pagtatanggal at pagsasaayos ng mga bogus appointment na pakana ng mga mapagsamantalang indibidwal.
Ang hakbang ayon sa DFA ay ipinatupad upang makapagbigay ng mas mabilis at epektibong serbisyo sa mas maraming tao.
Ang mga karagdagang slots ay may katumbas rin na karagdagang empleyado na mangangasiwa sa pagpoproseso ng mga dokumento katulad ng pagsasaayos sa opisina ng Aseana na siyang pangunahing nagpo-proseso ng mga pasaporte sa DFA.
Dahil sa pagdagdag ng mga kawani ay nagresulta ito sa 73.6 porsyento na pagtaas sa kapasidad ng opisina na tumanggap at mag-proseso ng pang araw-araw na appointment — mula 1,900 hanggang 3,300.
Mas napaaga rin ang schedule ng mahigit kumulang sa 900 appointments dahil sa karagdagang manggagawa, at nagresulta sa pagbaba ng bilang ng suspended applications na nasa ilalim pa ng imbestigasyon mula 33,000 noong Agosto 2 hanggang sa bilang na zero o wala sa pinakahuling tala noong Agosto 18.
Upang maiwasan ang pagkasayang ng mga slots ay nagpalabas ng paalala si Cimafranca sa senior citizens, persons with disabilities, solo parents, mga buntis at menor de edad (7 taong gulang pababa) na maaari silang pumunta ng DFA kahit walang appointment kung nais magpa-renew o mag-apply ng pasaporte sa pamamagitan ng paggamit sa courtesy lane, ipakita lamang ang valid IDs.
Pinakamahalagang anunsyong ipinabatd ng DFA sa publiko ay libre ang appointment slots kaay hindi dapat magpaloko sa mga fixers.
Kaya sa ating mga kababayan, makinig na lang sa abiso ng mga kinauukulan katulad ng DFA upang hindi maperwisyo at maging biktima ng naglipanang sindikatong nagsasamantala ng mga kababayan nating may mahigpit na pangangailangan sa pasaporte.