May solusyon ang GCAP sa problemang pangkalusugan

For the record by Jeany Lacorte

Ano nga ba ang silbi ng isang progresibong siyudad kung nasa bi­ngit naman ng kamatayan ang karamihan sa mamamayan nito dahil sa mga problemang ­pangkalusugan?

Sa nakalipas na 10 dekada, ilang libo na nga ba ang namatay o muntik nang mamatay dahil sa sakit sa puso, diabetes, pulmonya at kidney failure? Sa totoo lang, maaari naman itong maagapan at magamot kung agad na mabibigyan ng lunas.

Sabi nga ni Mr. Ric Nepomuceno, presidente ng Makati chapter ng Game Changer Advocates Philippines (GCAP), napakalaki ng tsansang maisalba ang mga pasyenteng dumaranas ng ganitong mga karamdaman kung may kakayahan lang sana silang gumastos para sa sumasailalim sa dialysis, MRI at city scan. At hindi pa po kasali rito ang mga maintenance med na kailangan nilang inumin araw-araw.

Bukod sa kulang sa perang panggamot, parang kidlat din silang iginugupo ng kanilang mga sakit dahil salat sila sa modernong kaalaman sa mga wellness program. Dito kasi ay may mga lecture, physical therapy at paggabay na inio-offer sa mga pasyente para sa kanilang kalusugan.

Para sa isang taong wala namang intensiyon sa politika, kaha­nga-hanga ang ginagawa ni Mr. Nepomuceno. Nalaman ng inyong lingkod na limang taon na palang ginagawa ng kanilang grupo ang pagtulong sa mga kapuspalad na residente ng Makati City. Kinatok na pala nila minsan si dating Vice President Jejomar Binay at na­ngako naman ito ng tulong. Kailan naman po kaya Sir matutupad ang mga assurance ninyo sa GCAP?

Target ng grupo nina Mr. Nepomuceno na tumulong sa lima hanggang 10 mahihirap na barangay ng Makati. Tama ‘yung desisyon nila.

Direktang ibigay sa mahihirap na barangay ang mga mo­dernong medical equipment para sa mga maysakit na residente na ang karamihan ay mga senior citizen, may mga kapansanan at ‘yung talagang kapos talaga na kahit yata pambili ng isang tableta ay hirap pa silang hanapin.

Sana po ay uma­bot ito sa malalaking negos­yante sa Makati City at magbigay ng kanilang tulong sa GCAP. Baka naman makaayuda kayo sakaling maging positibo ang pakikipag-usap ng GCAP sa kompanyang Siemens ng Germany para sa hinihingi nilang tawad sa presyo ng mga kailangang equipment ng mga pasyente.

Katukin sana ang inyong mga puso at tulungan ang grupong ito.

Maibulong din sana ito sa butihing alkalde ng lungsod na si Mayor Abigail Binay-Campos na alam naman nating hindi magdadalawang-isip na tumugon sa panawagan ng grupo nina Mr. Nepomuceno.

Mayor, napakaprog­resibo po ng inyong lungsod. Napakamaunlad. Napakalaki pa ng potensiyal na lalong pumaimbulog dahil sa lawak, laki at dami ng mga namumuhunan. Hindi naman po ninyo marahil ipagdadamot ang tulong na kailangan ng grupong ito na ang layon ay ang tiyakin ang kalusugan ng inyong mga nasasakupan.

Aba eh, instant partner niyo pala ang GCAP para sa pagsusulong ng kalusugan ng inyong mamamayan. Mayor, kailan po kaya?