May tamang oras at lugar sa paglalaro

Maging ang Philippine National Police (PNP) ay naalarma sa nauusong larong Pokemon Go dahil sa ilang aksidenteng nangyari sa ilang bahagi ng mundo na hatid ng pagĀ­lalaro nito.

Para masiguro ang kaligtasan ng publiko, lalo na ang mga nahihilig sa nasabing uri ng laro ay naglabas ng safety tips ang PNP.

Ang Pokemon Go ay isang augmented reality mobile game app kung saan ay hahayaan kang makahuli ng mga pokemon sa totoong kapaligiran.

Kaakibat ng pagbibigay ng safety tips ay nagpaalala ang PNP sa mga players ng Pokemon Go na ingatan ang cellphone habang naglalakad para hindi mabiktima ng mga magnanakaw at snatcher na nagkalat sa kalsada at maaaring magsamantala sa sitwasyon.

Mahalaga ring maging alerto ang mga naglalaro ng pokemon sa kanilang mga personal na bitbit na gamit bukod pa sa tiyakin ang kanilang kaligtasan sa mga pupuntahang lugar sa tuwing maglalaro dahil hindi malayong may mga masasamang-loob na naglipana ang samantalahin ang sitwasyon upang maisakatuparan ang kanilang masasamang balakin.

Higit sa lahat ay huwag maglaro ng Pokemon Go kung nagmamaneho o tatawid sa kalsada dahil tiyak na disgrasya ang inyong aabutin.

Ibig sabihin, maglaro lamang ng ganitong uri tuwing walang ginagawa at hindi nag-iisa.