May tumatawag sa pangalan ko

Dream Catcher

Nagising ako dahil may tumawag sa pangalan ko pero na-realize kong nag-iisa lamang ako sa kuwarto kaya bahagi lamang pala ito ng aking panaginip.

Ang iyong panaginip ay hindi na kakaiba. Marami nang taong nakaranas ng kaparehong panaginip.

Ang interpretasyon nito ay laging nakadepende sa taong nanaginip kaya nagkakaiba-iba ang puwedeng ipakahulugan.

Unang itanong mo sa iyong sarili kung babae o lalaki ba ang boses na tumawag sa iyo.

Nakilala mo  ba ang boses, pamilyar ba ito sa iyo? At ano ang naramdaman mo nang tinawag ang pangalan mo, may takot ka bang naramdaman o kampante lamang ang loob mo?

Kung ang boses ay pamilyar sa iyo, maaaring sa aktuwal na buhay ay may isang taong kinukuha ang iyong atensyon subalit hindi mo napapansin.

Maaaring sa iyong subsconscious ay alam mo ang kanyang ginagawang pagpapansin subalit wala kang ginagawa kaya nagpaalala ito sa panaginip.

Kung may takot ka namang naramdaman sa boses na tumawag sa iyo, maaaring may pag-aalala kang nararamdaman sa aktuwal na buhay.

Natatakot ka ba sa isang sitwasyon o may lihim ka  ba  na kinatatakutan mong mabunyag?  May kinalaman ba ito sa isang relasyon?

Ang ibang nananaginip nang ganito ay boses ng mga yumaong kaanak ang naririnig na tumatawag sa kanila.

Kung ganito ang naramdaman mo, sinasabi sa mga sinaunang paniniwala na nagpaparamdam sa iyo sinuman ang may-ari ng boses na tumawag sa pangalan mo. Hindi masamang mag-alay ng dasal para sa taong ito.

May mga tao rin na napapanaginip na tinatawag sila subalit sa ibang pangalan. Kung sa iyong paggising ay narinig mo ang isang pangalan na kaiba sa pangalan mo, ikinokonekta ito ng ilan sa nakalipas na buhay kung saan iyon ang naging pangalan mo.

Subalit ang mga makabagong eksperto sa ganitong panaginip ay nagsasabi naman na ipinapahiwatig lamang nito na maaaring sa aktuwal na buhay ay hindi ka ganap na nagpapakatotoo iba ang ipinapakita mo sa mga tao at iba ang tunay na ikaw.

Kung nagpapaulit-ulit na ang panaginip na ito, hindi masamang gumawa ka ng isang dream diary at isulat mo kung ano ang mga nababago sa bawat panaginip.

***

DISCLAIMER: Ang DREAM CATCHER  ay nagbibigay lamang ng general information tungkol sa mga kahulugan ng ating panaginip. Wala itong kinalaman sa relihiyon, kulto o anumang ispiritwal na aspeto ng buhay.  Sa mga gustong isangguni ang kanilang panaginip, mag-email sa abantedreamcatcher@gmail.com.