Normal na sa tao ang magkaroon ng tutuli. Ang tutuli o earwax ay mga nakabara sa tainga.
‘Wag aaraw-arawin ang paglilinis ng tainga dahil nakakatulong din ang tutuli para maprotektahan ang ating eardrum. Ito ay dahil sa nagsisilbing harang ang tutuli sa mga pumapasok na dumi sa tainga.
May 2 uri ng tutuli. May basa at may tuyo.
Mas madaling linisin ang basang tutuli kumpara sa tuyo.
Para mapalambot ang nanigas na tutuli ay patakan ito ng baby o mineral oil. Humiga nang patagilid sa loob ng 20-minuto hanggang sa lumambot ang namuong tutuli. Gawin ito ng dalawang beses sa loob ng tatlong araw at hayaang kusang lumabas ang earwax. Puwede ring gamitan ng Docusate sodium eardrops na pinapatak sa tainga.
‘Wag na ‘wag lilinisin ang tainga gamit ang pardible, toothpick, lapis, hair clip o palito ng posporo dahil puwedeng maging daan ito para matusok ang eardrum at maging dahilan para maimpeksyon ang tainga at mauwi sa pagkabingi.
Linisin na lang ito gamit ang bimpo at pinakamainam itong gawin habang naliligo.
Iwasan ding kamutin o kakalikutin ang tainga gamit ang daliri lalo na ang maruming kuko dahil posible itong pasukan ng bakterya.
Sakaling nakabara na ang tutuli sa tainga at irritable ka na o pinasok ito ng insekto ay maiging kumonsulta na agad sa ENT (Ear, Nose and Throat) doctor.