Bawal nang manigarilyo kahit saan, ito ang nilalaman ng pinirmahang Executive Order 26 ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte nang magpatupad ng Nationwide Smoking Ban.
Kung para sa kalusugan ang pagpapatupad ng EO26, ano naman ang epekto nito sa mga taong sa nagyoyosi at sa yosi kumukuha ng kanilang ikabubuhay?
Narito ang iba’t ibang opinyon hinggil sa smoking ban:
Adrian Martin, 23 anyos, Malabon City, store owner
“Maganda ‘yung pagpapatupad ng smoking ban, kasi bukod sa maganda ito para sa kalusugan ng pangkalahatan ay mababawasan pa ang mga kalat sa kalsada, tapos ‘yung mga patingi-tingi nakakainis yun, biro mo kakatukin ka ng napakadami, ‘yun pala isang stick lang bibilhin, wala pang singko ang tubo inabala ka pa.”
Ang mga cigarette butts, ayon sa pag-aaral, ay umaabot sa 18 buwan hanggang 10 taon bago ma-degrade, sa madaling salita ang mga cellulose acetate fibers sa cigarette filters na kagaya ng ibang mga plastics ay bumabara sa ating mga estero sa mahabang panahon.
Val Alido, 36 anyos, takatak boy, Quezon City
“Ewan ko ah! Pero siyempre, paano ko masasabi na maganda ang smoking ban e sigarilyo mga tinda ko. Dito ko kinukuha ang pagkain ng pamilya ko, since bawal na, ito nagtitiyaga ako sa purified water, candy at mani na paninda, dinagdagan ko na rin ng chitchirya makabawi man lang sa benta.”
“Dati kasi yosi pa lang ang tinda ko, malakas na ang benta kahit malakas ang ulan,” dagdag nito.
Tonying Cabanban, 38 anyos, tricycle driver, Valenzuela City
“Para sa akin OK ‘yang pagpapatupad ng smoking ban kasi bukod sa iwas sakit, iwas gastos na rin! Sakto lang din ‘yan para naman madisiplina mga Pinoy.”
Liberty Bobiles, 48 anyos, store owner, Malabon City
“Maganda ‘yang pagpapatupad na ‘yan ng smoking ban, kasi health hazard ang sigarilyo e, hazard din sa environment, saka siyempre ‘yung kalat sa lansangan.”
Elmie Ladica, 50 anyos, school owner, Malabon City
“Good thing na ipinatupad ang smoking ban, lalo na sa mga malalapit sa school, kasi kapag ‘yang usok ng sigarilyo nalalanghap palagi ng mga kids, mabilis silang magkasakit. Ang mga bata kapag laging may sakit laging liliban sa class, so wala silang matututunan, worse thing magkaroon pa sila ng mga seryosong disease tulad ng lung cancer etc.”
Pia Abania, 18 anyos, estudyante, Navotas City
“Ok para sa akin na ipinatupad, kasi siyempre, mabaho ‘yan sa hininga, tapos kumakapit sa damit ‘yung baho, tapos kaming hindi nagyoyosi malalanghap namin ‘yung usok, hindi nga kami nagyoyosi para sa health namin tapos uusukan lang naman kami.”
Sylvia Bangloy, 46 anyos, store owner, Malabon City
“Gusto ko ‘yang ipinatupad na smoking ban ng gobyerno, kasi ang sigarilyo, masama ‘yan talaga sa kalusugan natin, noong hindi pa nga ‘yan ipinapatupad, ‘yung mga bumibili sa akin ng sigarilyo, syempre sa akin din ‘yan sisindi, pagsindi nila ‘yung usok nalalanghap ko, e hindi nga ako nagsisigarilyo tapos bubugahan naman ako.”
Malaking hamon sa DOH
Aminado naman ang Department of Health (DOH) na malaking hamon sa gobyerno ang paghuli at pagpataw ng parusa sa mga lalabag sa nationwide smoking ban na nagsimula noong ika-23 ng Hulyo, taong kasalukuyan at sa totoo lang ay maaaring mabahiran ito ng korapsyon.
Ayon kay DOH Assistant Secretary Dr. Eric Tayag ay dapat na pag-aralan umanong mabuti ng mga local government units (LGUs) kung paano nila huhulihin at mapapanagot ang mga nasa transport sector na lalabag sa smoking ban sa mga pampublikong lugar.
Hinimok ni Tayag ang mga LGUs na maging sa mga taong ide-deputize nila para manghuli ng violators at pag-aralan kung paano huhulihin ang mga ito, dapat din umanong may malinaw na panuntunan kung paano parurusahan ang mga violators upang matiyak na mapapanagot ang mga ito.
Saan bawal at maaaring manigarilyo?
Sakop ng smoking ban ang mga paaralan, recreational facilities, elevators, stairwells, mga lugar na mayroong fire hazards, ospital at mga food preparation areas.
Sa kabila nito ay maglalaan naman ng designated smoking areas na mayroong open space para sa proper ventilation ng delikadong usok.
Ang RA 9211 o Tobacco Regulation Act ay tumitimbang sa dalawang karapatan, ito ay ang makapamili kung ano ang gustong gawin ng isang indibidwal o kung gusto niya bang manigarilyo.
May mga lugar din na sinasabi ang batas na ‘yung mga talagang bawal ang paninigarilyo o kahit maglagay ng mga smoking areas ay bawal din. Ito ay ang mga lugar katulad ng mga laboratoryo at mga gasolinahan.
Bagama’t ang mga ibinibigay ngang mga probisyon sa loob ng nasabing EO ay nasasaklawan pa rin ng ating batas ay sundin na lamang natin ito, para naman ito sa kalusugan ng nakakarami at kalusugan na rin ng mismong smokers.
Disiplina na rin para sa ating lahat, base na rin sa pag-aaral ng mga dalubhasa, nasa 11 minutes ang nari-reduce sa ating buhay ng paninigarilyo. ‘Wag na tayong manigarilyo!