Kung sino pa ang mayaman, sila pa ang nabibigyan ng discount. Sa ginawang pagsisiwalat ng isang party-list organization, talamak na raw ang bentahan ng PWD card sa ilang local government unit dahil kahit na walang disability ay nakakakuha ng nasabing card basta’t magbabayad lang.
Mabenta raw ang card sa mga may kaya at sa mga RK o rich kid na nag-aaral sa mga exclusive school. Kahit umabot sa P5,000 ang presyo ng card, binibili nila ito dahil sa laki ng makukuhang discount sa goods and services. Mantakin ba naman kasing 20 percent discount ang makukuha at exempted pa sa pagbabayad ng value added tax.
Sino-sino ba ang qualified sa PWD card? Alinsunod sa RA 10754, pasok dito ang may bipolar disorder, depression, ADHD, schizophrenia at epilepsy. Kuwalipikado rin ang may orthopedic disability dahil sa kanser, pagkabulag dahil sa diabetes at iba pang disability dahil sa chronic disease.
Maaari ring makakuha ng card ang may learning, mental/intellectual at visual disability. Ang mga unano, naputulan ng kamay o paa ay kuwalipikado rin. Kahit na ang mga bingi, hirap sa pagsasalita at may multiple disabilities ay pasok sa nasabing batas.
Sabi ng isang party-list representative, 15 normal na tao ang inutusan niyang mag-apply ng PWD card at lahat sila ay nakakuha nito matapos magbayad ng P1,000. Ibig sabihin, kahit walang disability, maaaring makakuha ng card. Sa pagsakay lang sa mga bus at jeep, marami ka nang makikita na naglalabas ng PWD card para mabigyan ng discount kahit sa tingin mo ay malakas pa sa kalabaw ang holder ng card.
Matagal ko nang naririnig ang alingasngas tungkol sa PWD card. At may personal knowledge pa ako sa mag-asawang nakakuha ng nasabing card.
Mayaman sila. May tig-isang kotse si misis, mister at mga anak. Binili ng ama ng sariling bahay ang kanyang mga anak. Walang disability ang padre de pamilya maliban lang sa malikot ang kamay kaya yumaman.
Maganda ang intensyon ng batas pero naging masagwa ang implementasyon.
Sa bandang huli, gobyerno rin ang talo dito dahil malaking halaga ng buwis ang nawawala sa kaban ng bayan.