Hindi mahihirap kundi mga oligarch o mayayaman na kumokontrol sa mga negosyo ang siyang dapat na pahirapan sa pagbabayad ng buwis.

Ito ang iginiit ni Bayan Muna Rep. Carlos Zarate kasabay ng pagbatikos sa Department of Finance (DOF) dahil mga mahihirap umano ang siyang puntirya sa tax reform package na isinusulong nito.

“Dapat matuto na ang DOF na maglatag ng tunay na progresibong progama na magpapataw ng mabi­gat na buwis sa mga mamayaman at hindi iyong lalong magpapahirap sa mga naghihirap na,” paliwanag ni Zarate.

Tanong pa ng mambabatas kung saan kinuha ng DOF ang P250,000 na kita kada taon na hindi bubuwisan gayong ang taunang family living wage ay nasa P396,390 na.

Ayon kay Zarate nasa 50 oligarch sa bansa ang may kabuuang networth na $79.5 bilyon o P3.8 tril­yon at may 690 pa umanong mayayaman na may ultra high networth asset na P1.4 bilyon bawat isa at may 1000 korporasyon naman ang kumikita ng P1.1 trilyon kada taon.

Dapat umanong tingnan ng pamahalaan kung tama ang mga buwis na ibinabaya­d ng mga negosyanteng ito o nakaliligtas lamang sa pagbabayad dahil sa koneksyon.