Masuwerte si Maymay Entrata dahil mula nang maging grand winner siya sa Pinoy Big Brother Season 7, nagsunod-sunod ang suwerte niya.
Aminado si Maymay na siya ay kuripot. May dahilan kung bakit siya nagkukuripot. Marami siyang binubuhay na pamilya.
Ani Maymay, lagi raw niyang sinasabi sa kanyang mga kamag-anak na pawang necessity needs lang muna ang bibilhin nila. Saka na raw ‘yung mga gusto. Si Maymay na rin kasi ang breadwinner sa napakalaki nilang pamilya.
Pinag-iipunan daw niya ang pagpapagawa ng bahay nila sa probinsya. Siya rin daw ang nagpapaaral sa kanyang mga pinsan.
Mas importante raw sa dalaga ang mag-save dahil darating raw ang araw na pag may kailangan sila ay may magagamit.
Aniya: “Kuripot po kasi ako, dahil nga sa dami ng pamilya namin kailangan talaga hinay-hinay lang sa gastos. Dapat mas i-budget ko talaga kung ano ‘yung kailangan lang.”
Ipinaliwanag naman daw niya sa pamilya na ‘pag nakaluwag-luwag na sila  ay mabibili na rin daw ang gusto. Sa ngayon ang mga kailangan muna ang dapat unahin.
Kahit naman daw nahihirapan siya dahil sa kanya ngayon nakaatang ang malaking responsibilidad sa pamilya, masaya naman daw siya dahil iba raw ang happiness na nararamdaman niya sa pag-angat ng kanyang pamilya.
Lagi raw niyang sinasabi sa kanyang mga kamag-anak na huwag magbabago. Maging kontento pa rin kung anong meron sila. Natutuwa naman daw siya dahil pinakikinggan siya ng mga ito.
Kaya naman ang daming blessings na dumadating kay Maymay dahil napakabait na anak at maging sa mga kamag-anak.