TUWANG-TUWA si Maymay Entrata na kinuwento sa ilang miyembro ng media na hinarap siya ni Sen. Koko Pimentel nang mag-courtesy call ito kamakalawa.

“Sobrang blessed po ako na binigyan ako ng oportunidad na makilala si Senator nang personal.

“Nagpasalamat po ako sa kanya na ­naging inspirasyon daw ako sa mga tao, sa mga ­kabataan. Parang lalo po akong nabigyan ng willingness para ipakita ko sa kanila na ma-inspire sila sa buhay ko at sa magaganap pa sa buhay ko,” paha­yag ng 19-year old na taga-Cagayan de Oro.

Sabi ni Maymay, iyun ang mensaheng ­gusto niyang iparating sa ­Maalaala Mo Kaya.

Gagawin kasi ng MMK ang kuwento ng buhay niya at siya pa mismo ang gaganap sa kanyang karakter.

“Buhay ko na ako mismo ang gaganap. ­Kaya nai-excite na kina­kabahan po ako,” pakli pa ni Maymay.

Ilalahad niya ang ­lahat na kuwento ng ­buhay niya, pero ayaw ­niya sanang i-focus masyado sa kanyang lovelife.

Gusto lang niyang iparating sa televiewers lalo na sa mga kabataan na huwag gawing hadlang ang mga pinagdaanan kung gusto nitong magtagumpay sa buhay.

Dapat marunong ­lu­maban sa buhay at ­huwag sumuko kung ­gustong maabot ang ­lahat na pangarap.

Malamang na ma-open dito ang pag-iwan sa kanila ng kanyang ama.

Magre-react ­kaya ang kanyang ama kapag napanood ang ­episode na ito ng MMK?