Naglaan ng panibagong P200 milyon pondo si Manila Mayor Joseph ‘Erap’ Estrada para matulungan ang 896 barangay ng lungsod sa pagpapalakas ng kanilang seguridad laban sa terorismo.

Nalaman na personal na ipinamahagi ni Estrada ang pondo sa 56 kapitan ng barangay ang mga pinakahuling nakatanggap ng kanilang budget mula sa pamahalaang lungsod.

“Matindi na naman ang banta ng terorismo tulad ng nangyari sa Davao. Sa anumang emergency, ang barangay ang unang rumeresponde, kaya dapat lang na may sapat silang gamit at pondo para sa kaligtasan ng mga residente,” ayon kay Estrada.

Noong isang buwan ay namahagi rin si Estrada ng P20 milyong pondo sa 50 barangay.

“Ngayong sapat na ang pondo ng lungsod, umayos na ang serbisyo ng mga barangay,” ayon kay Estrada.

Labis naman ang pasasalamat ng 56 kapitan ng barangay sa pagdadagdag ni Estrada ng kanilang pondo.