Maynila, QC, Malabon suspendido ang klase

Walang pasok ngayong Lunes sa public at private schools sa Quezon City, Malabon at Maynila.

Inanunsiyo kahapon ni QC Mayor Herbert Bautista na walang pasok ngayon sa lahat ng level ng public at private schools sa buong lungsod.

Ayon kay Mayor Bautista, ito ay bunsod ng southwest monsoon o habagat dulot ng bagyong ‘Domeng’ na nakaalis na ng bansa. Nakaalerto pa rin ang QC Disaster Risk Reduction and Management Council (QCDRRMC) mula ‘yellow’ hanggang ‘red’ base na rin sa Red Rainfall Warning na ipinalabas ng weather update ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa) kahapon.

Nakadepende pa umano sa pamahalaang lokal kung sususpendehin ang pasok sa trabaho sa mga pampubliko at pribadong opisina.

Sinabi naman ni Karl Marasigan ng QCDRRMC na nagdagdag pa sila ng rescue team para alalayan ang Disaster Action Team na naka-monitor sa mga binabahang lugar gaya ng Roxas District, Talayan, Tatalon, Damayang Lagi at Doña Imelda.

Wala na ring pasok sa lahat ng antas sa public at private schools sa Malabon, ayon sa Twitter account ni Malabon Mayor Len Len Oreta.

Sinuspende na rin ni Manila Mayor Joseph Estrada ang klase sa all levels ng public at private schools sa buong lungsod.