Maynilad isa sa sanhi ng trapiko

Alam kaya ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at mga local government unit (LGU) sa Metro Manila na nababatikos sila sa problema sa trapiko dahil sa kapabayaan ng ilang public utility companies?

Isa rito ay ang Maynilad na siyang nagsusuplay ng tubig sa ilang bahagi ng Metro Manila.

Kinikilala natin ang papel ng Maynilad at ang kanilang kahalagahan sa ating mga komunidad pero dapat ay nakikita rin ng mga kinauukulang ahensya ng gobyerno at mismo ng mga lokal na pamahalaan ang perwisyong kanilang idinudulot sa tuwing may pagkukumpuni silang ginagawa sa mga instilasyon ng kanilang mga tubo.

Isang halimbawa ay ang nilikhang pagsisikip sa daloy ng trapiko sa kahabaan ng Quirino Avenue, Commonwealth Ave. extension at Zabarte Road sa Quezon City kamakalawa ng gabi hanggang hatinggabi ng pagbungkal ng Maynilad sa mismong tapat ng stoplight sa nasabing lugar. Matinding pagsisikip ng trapiko ang idinulot nito.

Maraming motorista ang naapektuhan, ang naperwisyo sa nasabing aktibidad na ginawa ng Maynilad.

Ang matindi pa, piner­wisyo na ang nasabing kalye na maituturing pa namang congested na ay wala pang itinalagang tauhan at hindi man lamang nakipag-ugnayan ang Maynilad sa Pamahalaang Lungsod ng Quezon o kaya ay sa Barangay Kaligayahan man lamang para ipaalam ang proyekto upang sa gayon ay maa­sistehan sa pagmamantine ng daloy ng trapiko.

Kaya ang nangyari ay nagkabuhul-buhol ang daloy ng trapiko sa nasabing lugar dahil ipinaubaya sa ilang nagmalasakit na residente na dalawang kabataan at isang may edad na lalaki ang pagsasaayos ng daloy ng trapiko.

Ang sa akin bilang motorista, dapat ay nakikipag-ugnayan ang Maynilad o kung sinumang public uti­lity companies sa mga LGU sa mga isasagawang proyekto sa mga panguna­hing kalsada upang maka­tulong sa pagsasaayos ng daloy ng trapiko.

Hindi pupuwedeng basta na lamang kayo humara-hara sa mga kalsada at gawin ang inyong mga proyekto nang hindi iniisip ang perwisyong idudulot ng inyong mga gawain sa mga motorista.

Maari rin namang magtalaga kayo ng inyong mga tauhan na tutulong sa pagsasaayos ng daloy ng trapiko ay maglagay ng malaking karatula para ipaalam sa publiko ang inyong gagawing pagsira ng kalsada bago ang implementasyon nito upang sa gayon ay makahanap ng alternate route.

Dapat hindi pinapaba­yaan ng mga LGU at MMDA ang pambabalahura sa mga kalsada dahil sila ang laging nababatikos at hindi naman ang mga private utility companies dahil ang palagiang nasa isipan ng mga motorista ay may permiso ang mga ito mula sa LGUs pero ang tanong pati pa ang pamemerwisyong idinudulot ay alam ninyo?