Maynilad-MVP nireklamo sa 20K water bill

Inireklamo ng isang customer ng Maynilad ang kanilang water bill na uma­bot ng P20,000 sa hindi tinitirahang bahay sa Cavite City.

Taong 2017 ay hindi makakalimutan ni May Casiguran nang manghina siya nang makitang umabot sa halos P20,000 ang kanilang bayarin sa tubig gayung walang tao sa bahay na pinagmumulan ng metro ng tubig.

Dahil dito, tumangging magbayad si Casiguran at iginiit sa kompanyang pagmamay-ari ng negosyanteng si Manuel V. Pangilinan (MVP) na posibleng may tagas sa tubo o sira ang kanilang metro. Ipinaliwanag din niya sa water company na halos walang taong nakatira sa nasabing bahay kaya’t imposibleng umabot sa ganu’ng kalaki ang kanilang konsumo sa tubig.

“Tsaka biglang P19,000. Buti sana kung gradual ang pagtaas,” giit niya.
Sinabihan daw sila ng Maynilad na ipasusuri ang metro pero habang wala pa ay bayaran daw muna nila ang pansamantalang ikakabit na metro na hindi naman niya sinunod.

“Sabi ko, ‘Ano ‘yan harap-harapang holdap?” ayon sa nagrereklamo.
Hindi pumayag si Casiguran sa kagustuhan ng Maynilad kaya lalong lumobo ang bill sa higit P20,000 at dahil nagmatigas, kalaunan ay pinutulan sila ng tubig ng Maynilad.

“Mahirap lunukin na magbabayad ka ng isang bagay na hindi mo naman pinakinabangan. ‘Di ka naman nanloloko, ‘di ka naman nandadaya,” pahayag pa nito.

Unang lumapit sa ‘Tapat Na Po,’ isang public service program sa ABS-CBN si Cariguran na inilapit sa sa Maynilad at dito natuklasan depektibo ang metro ng tubig batay sa isinagawang meter testin­g.

Dahil dito, humingi ng tawad ang kompanya at sinabing ibabalik na ang suplay ng tubig sa bahay nang walang anumang bayad.

Nitong pagpasok na Enero, may tubig na muli sa bahay nina Casiguran.