Maynilad, MWC kayang tapusin ni Digong – Sotto

Naniniwala si Senate President Vicente ‘Tito’ Sotto III na mayroong kapangyarihan si ­Pangulong ­Rodrigo Duterte para i-terminate o tapusin na ang concession agreement ng Metropolitan ­Waterworks and Sewerage System (MWSS) sa Maynilad Water ­Services Inc. at Manila Water ­Company Inc. (MWC).

Sinabi ito ni Sotto ilang araw makalipas ang pagbabanta ni ­Pangulong Duterte na tatapusin nito ang concession agreement ng dalawang kompanya dahil sa perwisyong dinulot ng kakulangan sa supply ng tubig sa ilang bahagi ng Metro Manila at karatig-probinsya.

“I think that is possible. ­Remember, in this part of the world, baka the entire world, the President of the Philippines is the most empowered president. Tingnan ninyo ‘yung mga puwedeng gawin ng ibang presidente sa ibang bansa,” sabi ni Sotto.

Tulad na lamang aniya ng mga nagagawang aksyon at kasunduan ng Pangulo sa ibang bansa, sinabi ni Sotto na maaaring magamit nito ang kanyang kapangyarihan sa pag-terminate ng concession agreement.

“‘Yung presidente ng Pilipinas ang pinaka-powerful. Yes, he is the most empowered in the entire world, not only in Asia, kaya baka puwede ‘yun,” dagdag pa ni Sotto.

Pinulong ni Pangulong Duterte sa Malacañang ang mga opisyal ng MWSS, Maynilad at Manila Water noong Marso 19 kasunod ng naranasang water shortage.

Sa kanilang pag-uusap, nagbabala ang Pangulo na sisibakin ang mga opisyal ng MWSS kapag hindi naresolba ang problema sa tubig at nagbanta pa ito na kanyang iti-terminate ang kontrata ng MWSS sa Maynilad at Manila Water. (Anne Lorraine Gamo)