Mayor at ex-mayor sumuko sa PNP chief

Iniimbestigahan sa tanggapan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa Camp Crame Quezon City sina Mayor Mamaulan Abinal Molok (kaliwang larawan, nakasalamin) at dating Mayor Mohammad Ali Abu Abinal (kanang larawan, maiksi ang buhok) matapos isuko ang kanilang sarili kay PNP Director General Ronald dela Rosa kahapon. (Mike Taboy)

Lumutang kahapon ng hapon sa tanggapan ni Philippine National Police (PNP) Director General Ronald ‘Bato’ dela Rosa sa Camp Crame ang isang aktibong alkalde at isang dating alkalde na sinasabing kabilang sa 23 local government officials na nasa listahan ni Pangulong Rodrigo Duterte na sangkot sa iligal na droga.

Matapos humarap kay Dela Rosa, agad na iprinisinta sa isang press conference sina Mayor Mamaulan Abinal Molok ng Maguing, Lanao del Sur at at dating Marantao, Lanao del Sur Mayor Mohammad Ali Abu Abinal.

Humarap ang dalawa kay Dela Rosa kasama ang kanilang mga abogado pagkatapos ay iniharap din sila kay Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) director Chief Supt. Rene Obusan.

Sa pagharap nila sa media, inamin ng mga ito na sangkot umano sila sa illegal drug trade noong taong 2000 hanggang 2002 kung saan ang operasyon nila ay sa Cavite, Quiapo sa Maynila at Caloocan City.

“Personal na kusang loob na sumuko sa’kin mismo ang dalawang ito, dahil nalaman nila na kabilang ang kanilang pangalan sa 23 government officials o mayor na nasa watchlist ni Pangulong Rodrigo Duterte na sangkot sa illegal drug trade,” ayon kay Dela Rosa.

Sinabi pa ng PNP chief na inamin ng dalawa na sangkot sila sa illegal drug trade sa kanilang munisipalidad pero matagal nang huminto at kusang loob na sumuko dahil nais nang magbagong buhay.

Inihayag ni Dela Rosa na nangako umano sa kanya ang dalawa na susuportahan ang kampanya ng pamahalaan para sugpuin ang illegal drug trade sa bansa.