NAGA CITY – Balak din umano ipatumba ng kampo ni Daraga, Albay Mayor Carlwyn Baldo si Albay 2nd District Rep. Joey Salceda, ayon kay Ako Bicol Party-list Rep. Alfredo Garbin.

Ginawa ni Garbin ang pahayag kasabay ng pagdawit ng Philippine National Police (PNP) kay Baldo bilang pangunahin utak ng pagpaslang kay Ako Bicol Party-list Rep. Rodel Batocabe nitong nakaraang ika-22 ng Dis­yembre.

Ayon kay Garbin, isinalaysay sa affidavit ng isa sa tatlong pangunahing saksi sa kaso ng pagpaslang kay Batocabe na balak umanong isunod ng kampo ni Baldo sa hukay si Salceda sa kadahilanang sinusuportahan ng mambabatas ang isa pa niyang karibal sa pagka-alkalde ng Daraga sa darating na halalan sa Mayo.

“Ganun ka-demonyo ang grupo nila Mayor Baldo,” paliwanag ni Garbin.

Suportado umano ni Salceda sa pagka-alkalde ng Daraga ang kasalukuyang bise-alkalde ng nasabing bayan na si Vice Mayor Victor Perete.

Nakatakda sanang labanan ni Batocabe sa pagka-alkalde ng Daraga sila Baldo at Perete sa darating na halalan sa Mayo.

Giit ni Garbin, ang pormal na pagdawit ng PNP kay Baldo bilang mastermind ng pagpatay kay Batocabe at ang kanyang police escort na si SPO1 Orlando Diaz ay nagpatibay sa nauna na niyang suspetsa laban sa alkalde. (JC Cahinhinan)