Mayor Jalando-on: La Carlota City wala pang virus case

Pinabulaanan ng isang alkalde sa Negros Occidental ang ulat na isang residente sa kanilang lungsod ang nagpositibo sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Tiniyak ni La Carlota City Mayor Rex Jalando-on sa kanyang mga kababayan na nananatiling ligtas ang kanilang kungsod sa coronavirus.

Ginawa ng alkalde ang pahayag matapos umanong lumabas sa website ng Department of Health (DOH) na isang residente sa La Carlota City ang nagpositubo sa COVID-19.

Nilinaw ni Jalando-on na ang taong sinasabing nagpositibo sa coronavirus ay isang overseas Filipino worker at residente ng La Carlota City. Subalit kasalukuyan aniyang naka-confine ito sa isang ospital sa Metro Manila at hindi sa La Carlota City.

Kaugnay nito, hinimok din ni Jalando-on ang publiko na huwag magpapakalat ng maling impormasyon sa social media hinggil sa coronavirus para hindi mag-panic ang mga tao. (Prince Golez)