Tinawag na “amusing” at “baffling” ni San Pascual, Batangas Mayor Roanna Conti ang isinampang kasong grave misconduct at ignorance of the law sa Office of the Ombudsman ng kanyang Vice Mayor na si Antonio Dimayuga dahil lang sa hindi umano nito nalaman ang pagpahinga ng alkalde sa ibang bansa.

“I deny the allegations and find all the charges made by Mr. Antonio Dimayuga both amusing and baffling,” giit ni Mayor Conti.

Natawa na lang si Mayor Conti dahil lumalabas na naghahanap lang ng atensyon si Vice Mayor Dimayuga dahil alam naman umano at pinayagan pa siya ng gobernador nang magpaalam siya na lilisan muna sa nagdaang Pasko at Bagong Taon.

“Perhaps it is only Mr. Dimayuga who is unaware of my authority to travel and leave, as approved by Governor Hermilan­do I. Mandanas,” pahayag ni Mayor Conti.

“Perhaps the old politician, who is the real person facing graft charges before the Office of the Ombudsman, is growing senile and wants to make a return as mayor even if the recent elections showed that people preferred a new leadership,” dagdag nito.

Sinabi pa ni Conti na walang kuwenta ang isinampang kaso laban sa kanya.

Sinampahan ng kaso sa Ombudsman si Mayor Conti dahil sa pagpunta sa US kasama ang asawa na si Nick at mga anak noong Disyembre 20, 2018 hanggang Enero 5, 2019.

Hindi raw kasi niya alam ito at dapat siya ang acting mayor noon.