Nakita na ang sigu­radong panalo ni incumbent Taguig City Mayor Lani Cayetano bilang congresswoman sa 2nd District ng siyudad sa isang survey na inilabas ng Pulse Asia kamakailan.

Sa resulta ng survey na ginawa ng Pulse Asia Research Inc. mula Enero 20 hanggang 26, 2019, mahigit na 81% ng mga rehistradong botante ang pumili kay Cayetano, kumpara sa 11% lamang ni Che Che Gonzales.

Ang mga respondent sa survey ay tinanong kung sino ang kanilang napupusuang iboto bilang represen­tante ng 2nd District ng Taguig para sa May 2019 elections.

Si Mayor Lani ay nagwagi sa mayoralty race noong 2010 kontra Dante Tinga, ama ng dating Mayor Sigfrido ‘Freddie’ Tinga, na nagsilbi bilang alkalde ng Taguig sa tatlong termino.

Sa sumunod na eleksyon noong 2013, wagi muli si Mayor Lani kontra Rica Tinga, anak naman ni Dante Tinga.

Tatlong taon ang nakalipas ay nagwagi muli si Mayor Lani bilang alkalde ng Tagui­g dahil walang tumakbong kalaban sa halalan.

Sa eleksyon 2019, si Cayetano ay makakatunggali si Che Che Gonzales, isang da­ting konsehal na tumakbo rin at natalo kay Pia Cayetano noong 2016 para sa Taguig 2nd District ng Kongreso.

Isang petition ang isinampa upang ma-disqualify si Pia Caye­tano noong 2016 elections dahil umano sa kakulangan ng taon ng residency sa distrito. Isa ring petition dahil sa kakulangan umano ng taon ng residency ang isinampa para ma-disqualify si Lino Cayetano noong 2013 nang tumakbo ito sa parehong posisyon. Ang dalawang petition na ito ay parehong na-dismiss na ng Comelec.

Katulad na disquali­fication case din para sa May 2019 elections ang isinampa laban kay Mayor Lani. Masusi pa ring dinidinig ng Come­lec ang petition na ito.