Mayor, misis at driver inambus

Sugatan ang mayor ng Lumbaca-Unayan, Lanao del Sur kabilang ang kabiyak nito at kanilang driver matapos silang pagbabarilin ng mga hindi pa nakikilalang salarin habang sakay ng kanilang pick-up sa Cagayan de Oro City kahapon ng umaga.

Nangyari ang pananambang habang papunta sa Lumbaca-Unayan si Mayor Somerado Guro kasama ang misis nito at kanilang driver mula sa kanilang bahay sa Barangay Iponan, Cagayan de Oro City.

Ayon sa pulisya, habang nasa biyahe ay bigla na lamang lumantad ang di nakilalang dalawang salarin na kapwa naka-mask at pinagbabaril ang sinasakyang pickup truck ng mga biktima.

Bukod sa alkalde ay nasugatan ang misis nito at ang kanilang driver. Masuwerte namang nakaligtas sa bala ang isa pa nilang escort.

Sa ngayon ay masusing nagsasagawa ng follow-up investigation ang mga awtoridad upang matukoy ang salarin at kung ano ang motibo ng mga ito sa pananambang.