Mayor na may arrest warrant tinangkang mag-abroad

Isang mayor na nahaharap sa kasong kriminal ang nagtangka umanong lumabas ng bansa.

Sa report ay kinumpirma ni Batangas Governor Hermilando ‘Dodo’ Mandanas na binalak umanong magpunta sa US ni Mabini, Batangas Mayor Noel Luistro, sa kabila ng kinakaharap na asunto sa ilalim ng Criminal case No. TG-19-613 sa Tagaytay City Regional Trial Court.

Ayon sa gobernador, humirit sa kanya si Luistro ng 3-buwang biyahe sa ibang bansa na napag-alamang magsisimula sana ngayong buwan hanggang Marso.

Ito ay matapos umanong mag-apply ang nasabing alkalde ng leave of absence at permit to travel sa Office of the Governor sa Provincial Capital.

Sa kabila ng hirit, hindi ito inaprubahan ni Mandanas. “True that Mayor Luistro sought permission to go abroad for 3 months, but I did not approve because the DILG is the approving officer if travel is over 59 days,” saad ng gobernador.

Noong Setyembre 16, 2019 ay naglabas ng arrest warrant ang Tagaytay RTC Branch 133 laban kay Luistro na pirmado ni Presiding Judge Gian Enrico Navarro hinggil na rin sa rape case nito.

Maging si Interior and Local Gov’t Sec. Eduardo Año ay nagwikang ‘di dapat payagang makalabas ng bansa ang isang government employee na may kinakaharap pang kaso.

“Since it’s a criminal case, the court has jurisdiction over him. He cannot leave the country kung may warrant of arrest siya or under bail,” mahigpit na pahayag at paalala ni Año.

Tinangka namang kunin ang panig ni Luistro pero walang makuha sa mga oras na ito.