Inilarga ng dalawang ahensiya ng gobyerno ang imbestigasyon sa malagim na sunog sa shopping mall sa Davao City na maaaring umabot sa tanggapan ni Davao City Mayor Sara Duterte, anak ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ito ay kung pagbabasehan ang scenario sa pagkasunog ng Kentex Manufacturing Corporation noong Mayo 2015, kung saan kinasuhan si Valenzuela City Mayor Rex Gatchalian, kasama ang mga opisyal ng Bureau of Fire Protection (BFP) at negosyante dahil sa negligence na nagresulta sa pagkamatay ng higit sa 70 manggagawa sa pabrika.
Inabsuwelto na ng Ombudsman si Gatchalian sa nasabing isyu.
Nitong Lunes, Disyembre 25, inihayag ni Labor Secretary Silvestre Bello III na magsasagawa ng imbestigasyon ang kanyang ahensiya hinggil sa nangyaring sunog sa NCCC Mall kung saan higit sa 35 katao ang namatay.
“I have ordered officials of the Occupational Safety and Health Center and the DOLE (Department of Labor and Employment) regional office in Davao to immediately look into possible violations of some safety and health standards by mall management in its operations,” ayon sa pinalabas na statement ni Bello.
Dahil sa maraming empleyado ang nawalan ng trabaho sa pagkasunog ng shopping mall, sinabi ni Bello na magsasagawa siya ng imbentaryo ng apektadong empleyado upang mahanapan sila ng pansamantalang trabaho.
Karamihan ng namatay sa nasabing sunog ay mga empleyado ng US-based market research company na SSI.
Kinumpirma na ng SSI sa kanilang website na 37 mula sa kabuuang 500 nilang empleyado ang nasawi sa nasabing sunog. Ang kumpanya ang umookupa sa apat na palapag ng gusali hanggang sa top floor.
Naglunsad na rin ng hiwalay na imbestigasyon ang Department of Justice (DOJ) sa naturang insidente.
“By punishing those responsible, we can set an example to others so that, hopefully, there will be no repetition of those tragedies,” ani DOJ Secretary Vitaliano Aguirre.
Sinasabing fire hazard ang naturang gusali dahil ayon sa fire marshall ng lungsod, para itong ‘enclosed space with no ventilation’, subalit inaalam pa ang sanhi ng sunog.
Itinanggi na ng building administrator ang alegasyon ng mga survivor na kulang ang fire exit at ilan dito ay nakakandado pa.
“There is no truth to the allegation. In fact as per accounts of those who got out, they were able get out thru the fire exit,” ayon kay Thea Padua, public relation officer ng nasabing mall.