Mayor Sara hinamon ng debate ang Otso Diretso

“Kami na lang, Sara versus eight”.

Ito ang hamon ni Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio sa mga kandidato ng oposisyon para pagbigyan ang hirit na debate ng Otso Diretso sa mga senatorial candidate ng Hugpong ng Pagbabago.

Sinabi ni Mayor Sara na siya na lang ang haharap sa mga kandidato ng oposisyon para mapagbigyan lang ang panggigigil ng Otso Diretso.

Nauna rito ay inihayag kahapon ni Comelec spokesman James Jimenez na ibinasura ng en banc ang kahilingan ng Otso Diretso na magsagawa ang poll body ng debate dahil na rin sa kakulangan ng oras bukod sa mangangahulugan umano ito na binibigyan nila ng ‘preferential treatment’ ang ilang senatorial candidate o slate.

Dismayado si Magdalo Party-list Rep. Garry Alejano sa desisyon ng Comelec dahil inaasahan sana aniya ng mga Pilipino ang aktibong pag-organisa ng ahensiya ng isang debate noong simula pa lamang ng kampanya at isang paraan ito ng voter education na mandato ng poll body.

“Ang desisyong ito ng Comelec ay talaga namang pabor sa mga umiiwas sa makabuluhang debate.

Congratulations, you were saved by the bell,” komento pa ni Alejano na isa sa mga pambatong kandidato ng Otso Diretso sa pagka-senador.

Hindi rin kinagat ni Alejano ang hamon ni Ma­yor Sara dahil hindi naman aniya ito ang tumatakbo.