Hindi maalis ni Davao City Mayor Sara Duterte ang pagkabuwisit dahil sa umano’y samu’t saring hiling sa kanya ng mga senatorial bet ng Otso Diretso tungkol sa hamon nitong pakikipagdebate sa mga pambato ng Hugpong ng Pagbabago sa Senado.
Sa isang ambush interview kasabay ng campaign caravan ng Hugpong sa Pateros nitong Huwebes, tinawag ni Mayor Sara na ‘bara-bara’ at ‘unprofessional’ ang mga kandidato ng oposisyon dahil sa kanilang mga hinihiling na kundisyon bago tuluyang makipagdebate sa mga manok ng administrasyong Duterte.
Ayon kay Mayor Sara, imbes na ayusin na lang ng Otso Diresto ang mga bagay na makapagpapabilis upang matuloy na ang hinihiling nilang debate, nagawa pa umano siyang utusan na mag-organize at maglatag umano ng mga panuntunan dito.
“Bara-bara. Very unprofessional and then ngayon uutusan ako?” paliwanag ni Mayor Sara.
Ramdam ng alkalde na para bang ginagawa lamang siyang personal secretary ng mga Otso Diretso candidate dahil sa kanilang mga demand na kaya naman nila mismong gawin.
Dagdag pa ng presidential daughter, lumalabas na kulang lamang sa pansin ang mga kandidato ng Otso Diretso dahil sa pagkasabik sa media limelight.
“I am the chairman of HNP tapos gagawin akong secretary nu’ng grupo na merong obsessive disorder or fixation sa debate,” giit ni Duterte.