julius-segovia

Nitong mga nagdaang linggo, aba­lang-abala ang mga Caviteño sa sunod-sunod na okasyon sa lalawigan tulad ng Valenciana Festival sa General Trias, Sanghiyang Festival sa Alfonso, Paskuhan sa Imus, at Mapayapang Pasko ng Tanza. Nitong bisperas ng Pasko, agaw-pansin ang taunang Maytinis Festival sa bayan ng Kawit.

Taon-taon itong inaabangan at dinarayo ng maraming tao.

Ipinagdiriwang ito tuwing December 24 kung saan ipinakikita ang paghihirap na dinanas ni San Jose at ng Mahal na Birhen habang naghahanap ng matutuluyan sa Bethlehem at iba pang eksena na hango sa Bibliya.

Mahigit dalawampung karosa ang itinatampok taon-taon tulad ng Pitong Arkanghel, Eba at Adan, La Purisima Conception, Cain at Abel, Noe at ang baha, Moises, Haring David, Ruth and Noe­mi, Samson at Delilah at iba pa.

Kawiteño ang marami sa mga gumanap tulad ni Denikka Monsalud bilang Eba. Bata pa lang daw ay pangarap na niyang gumanap bilang Eba sa Maytinis. Kaya hinding-hindi niya raw malilimutan ang pambihirang pagkakataong ito.

Para sa mga taga-Kawit, misteryoso ang Maytinis dahil walang nakapagsabi kung kailan at paano ito nagsimula. Kahit na ang mismong dating pangulo na si Heneral Emilio Aguinaldo nang minsang tanungin ay wala ring naisagot dahil ito raw ay kanya na ring nakagisnan.

Sa mensahe ni Rev. Fr. Ryan Serafin Sasis, kura-paroko sa simbahan ng Kawit, “ilaw o liwanag” na hindi galing sa kuryente o araw ang simbolo ng Maytinis. Ito ay dahil sa pagsilang kay Hesus, ang anak ng Diyos na siyang nag-iisang dahilan kung bakit natin ipi­nagdiriwang ang Pasko.

Ang sa akin lang, tunay ngang dapat pahalagahan ang ganitong pamana ng ating mga ninuno para maipasa rin natin sa susunod pang mga henerasyon. (with reports from Kevin Patrick Sayaman)