Mga laro ngayon (Mall of Asia Arena)
2:00 p.m. — FEU vs. Ateneo
4:00 p.m. — DLSU vs. UST

Kakalas ang De La Salle University Green ­Archers sa two-way tie sa first, susuwagin naman ng defending champion Far Eastern University Tamaraws ang pangalawang sunod na panalo sa Season LXXIX ng UAAP men’s basketball tournament sa Mall of Asia Arena ngayon.

Hawak ng title favorite Green Archers ang 2-0 karta kapareho ng National University Bulldogs, ­haharapin nila mamaya ang host University of Sto. Tomas Growling Tigers.

Basagan ang parehong 1-1 na Tamaraws at Ateneo Blue Eagles sa unang laro. Sina Axel Inigo, Richard Escoto, Raymar Jose at Kimlee Bayquin ang umararo para sa FEU nang ipagpag ang Adamson Soaring Falcons, 75-65, noong Linggo.

Nagtala sina Inigo at Escoto ng tig-13 puntos, may 11 at nine sina Jose at Bayquin.

Susubukan ng UST na pigilin ang one-two punch ng Green Archers na sina Jeron Teng at Ben Mbala.

“Sila ‘yung haliging sasandalan ko palagi,” ­patungkol ni La Salle head coach Aldin Ayo kina Teng at Mbala. “Sa labas si Jeron habang sa ilalim si Ben.”

Kumayod si Mbala ng 30 points at 14 rebounds, may 12 markers si Teng sa 89-71 panalo ng Archers kontra UP Fighting Maroons noong Sabado.