Pinuri ng Malacañang ang pagpapakumbaba ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle matapos aminin sa Vatican Summit ang pagkakamali ng ilang alagad ng Simbahan.

Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na isang makabuluhang hakbang ang ginawa ni Tagle nang talakayin ang usapin sa kabataang inaabuso ng ilang miyembro ng Simbahang Katolika.

Ito rin aniya ang tinutumbok ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang mga talumpati at patunay na may batayan ang kanyang mga banat sa ilang alagad ng Simbahan.

“We view the presentation of Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle du­ring the historic Vatican Meeting, ‘The Protection of Minors in the Church,’ as a significant undertaking in rai­sing awareness on child abuse committed by the members of the clergy. This is a common theme of President Rodrigo Roa Duterte’s speeches and a validation of his running cri­ticism on the men of the cloth,” ani Panelo.

Ang pagkilala sa mga naging kasamaan ng ilang miyembro ng Simbahan, ayon pa sa kalihim ay malinaw na pag-amin na mayroon tala­gang nangyayari sa hanay ng mga pari noon pa man sa kabila ng mga naunang pagtatakip at pagtanggi ng mga ito.

Umaasa ang Palasyo na ang matapang na pag-amin ni Tagle sa mga sik­reto ng Simbahan ay magiging daan sa paglilinis o ‘cleansing process’ ng Simbahan.