Me pinapaboran?

Gustong tawagan ng pansin ng isang racing insi­der ang mga kinauukulan at lahat ng major players sa industriya ng karera.

Ito’y matapos na labis na ipamalita sa lahat ang tig-isang taong suspension na ipinataw sa tatlong hinete kamakailan, sina JAW Saulog, DD Pagar, at MV Pichay.

Sinabi ng racing insider na ayaw magpabanggit ng pangalan na masyado raw naging malaki ang pagkakaiba nito sa “isang kilalang hinete na pinatawan ng 156 racing-day suspension pero nakapagtatakang i­binaba ito sa 24 racing-day na lamang.”

“Porke’t ba star jockey ito at yung tatlo eh hindi mga kilalang hinete? May balita nga kaming ginawa ‘yun (pagbawas sa kanyang suspension) ay para makasali siya sa isang malaking pakarera sa susunod na buwan,” sabi ng insider.

Maraming katanungan umano sa pagbabawas ng suspension sa nasabing star jockey dahil “mismong ang kinauukulan ang nagsabing tama ang mga ste­wards sa pagbibigay ng penalty na 156 racing days sa kanya pero kumambyo sila nang sabihin nilang 11 taon na yung kabayo kasama na ang testimonya ng trainer nito na wala pa sa kundisyon ang kanilang kabayo.”

“Baka nakakalimutan nila na nasa rules nila mismo na kapag idineklara ng trainer ang kanyang kabayo sa karera, pinatutunayan niyang nasa kundisyon ito para kumarera,” dagdag pa niya. “Me pinapaboran ba silang horse owner at hinete dito?

‘Wag naman sana, dahil kawawa naman yung ibang mga hindi kilalang hinete na kanilang pinagbabalingan ng matinding suspension!

Marami nang kamalian na dapat nang malaman ng bayang karerista!”