Measles outbreak iniimbestigahan na ng DOH

Iimbestigahan ng Department of Health (DOH) ang umano’y measles outbreak sa isang barangay sa lalawigan ng Sarangani, na sinasabing bumiktima na ng 84 katao, kabilang ang 18 katao na nasawi sa sakit.

Sinabi ni Health Secretary Francisco Duque III, nakakolekta na sila ng specimen mula sa 12 pasyente na mula sa mga sitio na apektado ng sakit at ipi­nadala ito sa Research Institute for Tropical Medicine (RITM) para isailalim sa mga measles confirmatory test.

Inaasahan namang mailalabas ang resulta ng pagsusuri matapos ang 10 araw.

Nagtalaga na rin umano ang DOH ng mga health worker sa mga apektadong lugar at nakapagbakuna na ang mga ito ng may 49 na bata laban sa measles at mumps.

Nalaman na taga sitio Lower Kyugam, Alna, Upper Kyugam, Mahayag, Lino, Alnaob, Datalnay, Kyugam, Mission, Klarak, at Dlandang, na sakop ng Barangay Upper Suyan sa bayan ng Malapatan nagmula ang mga biktima na may edad mula apat na buwan hanggang 40-anyos, karamihan ay mga babae.