Nag-viral ang larawan ng pila ng tao sa kahabaan ng EDSA-Balintawak na kasama pala sa paghahatid sa huling hantungan ng isang barangay captain sa Caloocan City.
Sa Facebook post ni Gadget Addict, makikita ang pila ng tao na parte umano ng funeral march para sa sumakabilang-buhay na barangay captain.
Saad naman ng isang nag-comment, nakasama siya sa nasabing martsa at nasunod naman daw ang social distancing dito.
Pero sa isang panayam kay Metro Manila Development Authority (MMDA) spokesperson Celine Pialago, sinabi nito na sila’y nakipag-usap sa barangay para mapaalalahanan sa health protocol sa funeral march.
Nilinaw din nito na noon pa man kahit walang modified enhanced community quarantine (MECQ) na pinatutupad sa Metro Manila, ay hindi pinapayagan ang pagsasagawa ng nasabing aktibidad sa kahabaan ng EDSA, kaya’t inaalam nito kung sino ang nagpahintulot sa nasabing martsa.
“Ever since pa naman po, bawal na po ang funeral march sa EDSA. We are wondering kung sino ang nag-permit. Bumaba po ang PNP at in-assist po sila ng PNP,” sabi ng tagapagsalita.