Media tulungan sa krisis – Andanar

Hinimok ni Presidential Communications Operations Office (PCOO) Secretary Martin Andanar ang mga ahensiya ng gobyerno na maglaan ng pondo para sa advertisement upang matulungan ang mga media company na maka-survive sa epekto ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic sa ekonomiya ng bansa.

Sinabi ito ng kalihim dahil sa mga natatanggap na report na ilang private media company ang nagsimula nang magbawas ng kanilang mga empleyado dahil sa quarantine na ipinatupad sa buong Luzon simula Marso 16 para mapigilan ang COVID-19 outbreak.

“Ipaglaban niyo ang iyong advertising budget niyo, allocate niyo and distribute equally sa private media,” sabi ni Andanar sa pulong na ginanap sa mga namumuno ng private media sa Baguio City noong Sabado.

Nag-iikot si Andanar para makipagpulong sa mga media organization at sinabi nito na ilang media company sa mga probinsya ang nagbawas na ng sweldo sa kanilang mga stringer ng hanggang 50%.

“After two or three weeks later, I started hearing that this media company, big ones from Manila, started downsizing,” ayon kay Andanar na dating broadcast journalist.

Apektado aniya ang trabaho ng media na makapagbalita dahil sa kalagayan ng ekonomiya.

Kasabay nito, hinimok din ni Andanar ang government media na tulungan ang kanilang private counterpart sa pagpapakalat ng balita at impormasyon. (PNA)