Medialdea, Elma, Onyok nakiusap sa mga atleta

Medialdea, Elma, Onyok nakiusap sa mga atleta

Pinagningas nina Philippine athletics Iron Lady Elma Muros-Posadas at 1996 Atlanta Summer Olympics boxing silver medalist­ Mansueto ‘Onyok” Velasco, Jr. sa harap ng matataas na opisyal ng bansa ang adhikain at moral ng mga national athlete sa gitna ng mga kontrobersyal na isyu na ibigay ang karangalan at prestihiyo para sa inang bayan.

“Patay kung patay tayong lalaban para sa bayan,” sigaw ni Muros-­Posadas, na siyang may pinakamaraming medalya na napanalunan para sa bansa sa Southeast Asian Games athletics.

“Napakapalad ninyo kasi si Presidente (Rodrigo Duterte), 100% ang suporta. Huwag ninyong pansinin ang mga problema. ‘Wag ninyong isipin ang gulo. Focus tayo sa laban. Andito tayo sa bansa natin kaya lalong galingan natin. Patayan kung patayan. Gigil sa kalaban, wag sa ating opisyal,” litanya ng Magdiwang, Romblon native.

Kinatuwa ito ng halos 700 mga atleta na dumalo sa National Team General Assembly na inorganisa ng Philippine Sports Commission, kasama sina Executive Secretary Salvador Medialdea, 30th SEA Games 2019 Chef-De-Mission at PSC Chairman William ‘Butch’ Ramirez, at PSC Commissioners Fatima Celia Kiram, Arnold Agustin, Charles Raymond Maxey at Ramon Fernandez.

Nagpasalamat din ang mga atleta kay Pangulong Duterte sa pag-uutos nito na ihiwalay ang atensiyon ng mga atelta sa kaguluhan at bigyan ng buong suporta ang mga pangangailangan sa paghahanda hanggang sa pagbubukas ng kada dalawang taong 11-nation, multi-sport meet sa parating na Nobyembre 30-Dis­yembre 11.

“Thank you Tatay Digong! Thank you President (Rodrigo) Duterte!”, sama-samang pahayag ng mga atleta.

Siniwalat naman ni Medialdea na kanyang kinansela ang pagbiyahe sa Ormoc City upang makasama lang ang mga pambansang manlalaro.

“I just want to relay to you the support of our President. He is behind you para sa (laban sa) SEA Games!” sambit ng Executive Secretary habang hiniling na magtuon ang mga alteta sa training.

“Ilayo natin lahat sa mga problema ang lahat ng ating gagawin. Laro lang tayo. Let us win as one and patuloy natin itaguyod and ating bansa sa larangan ng sports,” wakas ni Medialdea. (Lito Oredo)