Pinangunahan ni Executive Secretary Salvador Medialdea ang pag-aalay ng bulaklak sa monumento ni Gat Andres Bonifacio sa Caloocan City.
Eksaktong alas-tres ng hapon, dumating si Medialdea sa bantayog ni Bonifacio para maging kinatawan ni Pangulong Rodrigo Duterte na hindi nakarating sa selebrasyon.
Naging simple lamang ang seremonya na dinaluhan ng mga lokal na opisyal ng Caloocan City, mga natitirang kamag-anak ni Bonifacio at mga mamamayan kung saan ginunita rin ito ng ilang senador gaya nina Senador Grace Poe, Joel Villanueva at Leila de Lima.
Dumalo rin sina Department of Interior and Local Government Secretary Eduardo Ano, Department of Education Secretary Leonor Briones at Armed Forces of the Philippines Chief of Staff General Carlito Galvez Jr., upang makiisa sa pagdiriwang.
Wala namang talumpati si Medialdea at pagkatapos ng seremonya ay agad ding umalis.
Nauna rito, inihayag ng Malacañang na hindi makakadalo si Pangulong Duterte alinsunod sa orihinal na schedule dahil kinakailangan nitong umuwi sa Davao para asikasuhin ang mahalagang bagay na may kinalaman sa insureksiyon.