Mediaman sa Cabanatuan pinaulanan ng bala

gun-man-

Patay ang chairman of board ng Central Luzon Media Association (CLMA) Nueva Ecija chapter matapos pagbabarilin ng riding-in-tandem sa Barangay Quezon, Cabanatuan City, noong Sabado nang gabi.

Kinilala ng Cabana­tuan City Police Station (CCPS) ang biktima na si Manuel Laxamana, 51, ng Sitio Magpulog, Barangay Bitas sa nasabing siyudad.

Ayon sa CCPS, si Laxamana ay papauwi na umano sa kanilang bahay sakay ng kanyang pickup na sasakyan bandang alas-11:05 nang gabi nang biglang mag-overtake ang isang motorsiklo sakay ang dalawang suspek na pawang nakasuot ng helmet.

Pagtapat sa driver’s seat, bigla na lamang pinaulanan ng bala ng baril ang biktima gamit ang isang .45 pistol.

Mabilis na tumakas ang mga suspek pagkatapos ang pamamaril.

Nagtamo ng mga bala sa leeg at iba’t ibang parte ng katawan ang biktima sanhi ng kanyang agarang pagkamatay.

Bukod sa miyembro ng media, isang ring negosyante ang biktima. Inaalam pa ng CCPS ang motibo ng pagpatay kay Laxamana.

Samantala, wala pang anumang pagha­yag ang mga kamag-anak ng biktima.