Kabado si Health Secretary Francisco Duque na maaaring maudlot ang implementasyon ng Universal Health Care (UHC) Law na siyang pinakahihintay ng masang Pilipino.

Ito ay dahil sa kakapusan pa sa pondo upang maging maayos ang implementasyon ng batas.

Tinatayang kakaila­nganin pa ng P95 bil­yon para ilaan sa UHC Law upang lubos na maipatupad ang batas at maibigay ang makatotohanang serbisyong pangkalusugan ng gobyerno.

Dahil dito ay makabubuting lubusan nang tanggalin sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) ang medi­cal assistance para raw sa mga pasyente na humihingi ng tulong.

Marami tayong natatanggap na reklamo na kaanak o mismong pasyente na umano’y may palakasan sa PCSO para makakuha ng tulong pinansiyal.

Sa mga pangkaraniwang mamamayan ay umaabot lang sa P5,000 hanggang P10,000 ang kadalasan na nakukuhang tulong pinansiyal na hindi raw umano sapat para sa mga pasyente na mayroong malubhang karamdaman.

Pero kapag may koneksiyon umano sa opisyal ng gobyerno ay mas malaki ang nakukuhang medical assistance ng isang pasyente na ang mas nakakasama anila ng loob ay hindi pa pumila para makapasok sa PCSO.

Samantalang ang mga mahihirap na mamamayan ay gabi pa lang naghihintay na sa mahabang pila upang kinabukasan ay matiyak na makakakuha ng medical assistance.

Dahil dito ay maka­bubuting alisin nang tuluyan ang lahat ng anumang pondo na pinangangasiwaan ng PCSO sa pagbibigay ng tulong sa publiko at sa halip ay hayaan na lang na ito ay ibigay nang buo sa ahensiyang direktang mangangasiwa sa implementasyon ng UHC Law.

Mas makabubuting pagtuunan na lang ng pansin ng PCSO kung papaano mapapalaki pa ang kita nito sa mga isinasagawang palaro at pasugal at higit sa lahat ay tiyakin na walang nagaganap na korapsyon sa ahensiya.