Medyo kulang

motorista-ismael-amigo

Medyo kulang sa ngi­pin ang higit isang oras na speech ni President Rodrigo Duterte sa 2019 TODA Summit.

Ayon sa convenors sa pangaltong yugto ng TODA Summit na DOTr at DILG, target ng naturang kalipunan ang makalikom ng mga solusyong ikatataas ng antas ng pamumuhay ng trike operators and drivers, sugpuin ang mga kolorum, resolbahin ang problema sa pabahay, health care at social security, need for training programs, papaano maiwasang mga halos araw-araw na aksidente at iba pa.

Sa kasawiang palad, walang binanggit ang Presidente ni isa sa mga ‘yan maliban sa pangakong limang taon na libreng supply ng baterya at siyempre pa ang mai-endorso ang kanyang mga senatoriable.

Inaantay na lamang ng Moto Rista ang bigkasin ng Presidente ang mga katagang “Iboto N’yo Sila!” upang tuluyan nang maging electioneering.

Ay sus, tiyak namang abot-tenga ang mga ngiti ng kanyang mga kandidatong naroroon din dahil siyempre nga naman malaking pagkakataon na.

Nabigyan-diin naman ng Pangulo ang isyu sa kalangisan ngunit sinabi lamang nito na walang magagawa ang gobyernong Duterte sa taas-baba ng fossil fuel dahil aniya pa, “hindi naman tayo producer ng langis hindi gaya ng Brunei at iba pang bansa” na kahit magtaasan lahat ang langis ay hindi sila matitinag.

Ngunit, datapwat, subalit, may Malampaya Oil source ang ‘Pinas na ginawang “milking cow” noon ng mga… ah, alam n’yo na ‘yan kung sino sila.

Hindi nga lang sapat para sa buong bansa, ngunit ang sa ganang atin, meron tayo kahit papaano, isama pa riyan ang oil-rich area sa West Philippine Sea na kinakamkam ng China.

Ang isa sanang magandang punto na dapat binigyan-diin ng Presidente ang madalas na napapaulat na kadrogahan ng mga tricycle driver!
Paulit-ulit na sinambit ng President ang isyu ng droga at ng medyo lihis na pakikialam ng CHR at Simbahan sa anti-drug ops ng pamahalaan ngunit nakalimutan niya ang mga napapaulat na pagdodroga ng trike drivers na nauuwi sa rape, nakawan at iba pa.

Maigting na isyu ‘yan na dapat pinasadahan nang husto ng ating Pangulo.
Ewan ko lang kung nag-play safe ito upang hindi malihis ang inaasam na suporta sa darating na halalan.

Nga naman. Tiyak alam n’yo na ang sagot riyan.

To God be the Glory!