Mekeni makakasuhan sa longganisa, hotdog na may ASF

Malaki ang posibilidad na sasa­sampahan ng kasong kasong admi­nistratibo na may katumbas na parusang kanselasyon ng business permit ang Mekeni Foods Corporation.

Sinabi ng Food and Drugs ­Administration na ito ay kasunod nang ginawang ­kumpirmasyon ng Department of Agriculture (DA) – Bureau of Animal Industry na may African Swine Fever (ASF) ang produkto ng Mekeni Foods na ­skinless longanisa at hotdog na ­nasamsam sa Port of Calapan noong nakalipas na buwan.

Nabatid kay FDA OIC Dr. Eric Domingo, hinihintay na lamang ng ahensya ang paliwanag ng ­Mekeni dahil ito ang gagawin ­nilang ­batayan kung sasampahan ito ng kaso o hindi.

Gayunman, malaking bagay ang self-recall na ipinatupad ng ­Mekeni Foods Corporation sa lahat ng ­kanilang produktong pork na nasa merkado.
Kaugnay nito, ipinaliwanag ni Dr. Ronnie Domingo ng DA-Bureau of Animal Industry na tanging mga produktong mula sa karne ng baboy lamang ng Mekeni ang apektado ng ASF.

Samantala, ligtas naman ang iba pang mga processed food ­product na gawa mula sa karne ng baka at manok.
Patuloy naman ­iniimbestigahan kung galing sa lokal na baboy o sa imported pork nagmula ang ­ginamit na karne na napatunayang ­nagtataglay ng ASF.
Samantala, nakatakdang ­alamin ng Mekini ang pinanggalingan ng baboy na ginamit sa paggawa ng longganisa at hotdog na sinasabi ng DA na positibo sa ASF.
Naniniwala si Agriculture ­Secretary William Dar na ang ­pagkalat ng ASF sa bansa ay ­dahilan sa illegal importation ng baboy mula sa China.
“That concludes really that this has been introduced by bringing it here, smuggling it here, ­introducing it here,” sabi ni Dar sa press ­conference sa Quezon City.

Nakumpirma sa ginawang mga pagsusuri sa mga refrigerated container van ng mga karneng baboy at meat products na mula China ay ASF infected. (Juliet de Loza-Cudia)