NAGOYA, Japan –Napanalunan ni Melagrana ang Philippines Trophy Race na pinaglabanan noong Linggo sa JRA Asia Week of Racing sa napakalaking Chukyo Racecourse dito sa Nagoya.
Sakay si Yuichi Fukunaga, may dalawang kabayong nanalo si Melagrana (Fastnet Rock -Secret Savings) laban sa 15 kabayong pulos mga 3-year-olds na nakalaban sa distansyang 1,200 meters.
Palahi ito mula sa Australia at pag-aari ni Kazumi Ushida, na nakatangay ng first prize na Yen15-million (USD150,000 o P7.05-million) mula sa total prize na Yen29-million (USD291,000 o P13.67-million) na inisponsoran ng nag-organisang Japan Racing Association.
Nasegundo ang dehadong si Happiness (Commands-King’s Best) na pag-aari ni Sheikh Mohammed bin Rashid Ak Maktoum ng Dubai na nabiyayaan ng second prize na Yen6.1-million (USD60,000). Natersero ang dehado ring Kitasan Love na sumungkit ng third prize na Yen3.8-million (uSD38,000). Pang-apat ang na-llamadong Nishino Rush na kumuha ng Yen 2.3-million (USD23,000), panlima si Great Charter na nakasalba ng Yen 1.5-milllion (USD15,000).
Pinamunuan ni Chukyo Racecourse General Manager Toshinori Oogoshi ang awarding ceremony matapos ang karera para parangalan ang winning connections ni Melagrana. Sinamahan siya nina MetroTurf vice presidents Ronald Alfeche at Andy Sevilla, na kumatawan sa Pilipinas sa nasabing okasyon.
Ang Philippines Trophy ay isa sa tatlong pinaglabanan noong Linggo sa Chukyo Racecourse, pagkatapos ng Macau Trophy at Singapore Trophy Races. Meron ding tatlong pinaglabanan noong Sabado, ang India Trophy, Malaysia Trophy, at Thailand Trophy races.