Melecio tinulungan ang mga medical worker

Kahit naka-quarantine si University Athletic Association of the Philippines (UAAP) men’s basketball player Aljun Melecio, hindi pa rin niya nakalimutan na tulungan ang mga medical frontliners sa magkalayong lugar.

Ibinigay ng La Salle Green Archer shooting guard ang kanyang monthly allocation na sports drink sa mga hospital at checkpoint sa Maynila habang nasa tinubuan niyang Valencia, Bukidnon.

Kasama sa mga beneficiart ng 24 na kahon ng inumin ang Manila Medical Hospital, Ambucare, Tondo General Hospital, Perpetual Succor Hospital at ilang military checkpoints sa siyudad.

“Siyempre, mag-iisip ka talaga ng kung anong puwede mo matulong sa mga frontliners di ba? In my own way, gusto kong ipakita sa kanila na we appreciate them and that we are there for them,” sambit ni Melecio, na naging kampeon kasama ang La Salle sa UAAP Season 79.

Sa kanya namang hometown, namahagi si Melecio ng packed chicken meals sa mga ospital at checkpoints sa pag-asiste ni dating Amd. Eduardo Cojuangco Jr.

Hindi rin nagpahuli sa pagtulong ang kanyang mga teammates na sina Justine Baltazar at Encho Serrano na ginamit ang kanilang allowance para maghatid ng rice meals sa mga frontliners sa Mabalacat at Apalit, Pampanga.

“Of course, masarap sa feeling na makikita mo na yung teammates mo tumutulong din sa iba,” bahagi ni Melecio.

Wika pa nito, “Kilala ko naman yung mga ‘yun, hindi sila makasarili kung ano meron sila hindi nila sinasarili ‘yun.” (Janiel Abby Toralba)