Menor-de-edad 4 beses binaril habang naglalaro

riding-in-tandem

Isang menor-de-edad na lalaki ang nasawi matapos itong pagbabarilin ng hindi pa kilalang riding-in-tandem na mga suspek Miyerkoles nang umaga sa bayan ng President Quirino sa lalawigan ng Sultan Kudarat.

Idineklarang dead-on-arrival sa pinagsugurang pagamutan dahil sa apat na tama ng bala sa katawan ang biktimang si Jade Nathaniel Pico, 15-anyos, taga-Brgy. Buenaflor ng nabatid na bayan.

Sa ulat ni P/Capt. Jessie Silva, hepe ng President Quirino Municipal Police Station (MPS), naganap ang insidente alas-10:00 nang umaga sa Purok 1, Brgy. Sinakulay ng bayang ito.

Naglalaro sa kalsada ang biktima nang dumating ang dalawang suspek na lulan ng motorsiklo at malapitang pinagbabaril ang binatilyo.

Matapos ang insidente ay mabilis nang tumakas ang mga suspek sakay ng kanilang motorsiklo. Sinubukan pang isugod sa pinakamalapit na ospital ang biktima pero dead-on-arrival na ito dahil sa tinamong apat na bala sa katawan.

Ayon sa mga kaanak ng biktima, walang kamuwang-muwang ang binatilyo at wala silang kilalang kagalit nito para siya’y patayin.

Posible naman umanong kaso ng mistaken identity ang pagkakapatay sa binatilyo, ayon kay Silva. (Edwin Balasa)