Tiyak akong umaaray ang bulsa ng mga motorista ngayon. Big time oil price hike kasi ang ipinatupad ng mga kompanya ng langis. Ang masaklap, posible pa raw itong masundan.
Ang pinakahuling dagdag-presyo sa petrolyo – epekto ng drone attacks sa oil facilities sa Saudi Arabia noong isang linggo. Dahil sa agam-agam na dulot nito sa suplay ng langis, sumipa tuloy ang presyo sa world market.
Saudi Arabia ang biggest oil exporter sa buong mundo. Tali ang kamay ng Pilipinas sa presyuhan ng petrolyo lalo pa’t umaangkat lang tayo ng krudo sa ibang bansa.
Ang sa akin lang, wala tayong magagawa sa ngayon kundi ang magtipid sa konsumo. Tayong mga kasi motorista ang naiiwang luhaan sa mataas na presyo ng mga produktong petrolyo.
Bago lumarga, planuhin muna ang biyahe. Mahalagang alam ang alternate routes para hindi maipit sa masikip na daloy ng trapiko.
Subukan ding gumamit ng navigation app gaya ng waze. Itinuturo nito ang pinakamabilis na ruta kung saan walang heavy traffic.
Importante ring laging kang updated sa traffic updates. Malaki ang maitutulong nito para makaiwas ka sa mga congested area.
Iwasan ang malimit na pagpatay at pag-start ng makina dahil makonsumo ‘yan sa petrolyo.
Manatili sa steady speed – kung nasa expressway, 80kph ka lang, mas tipid ito kaysa bumibirit ka nang 120kph. Baka mahuli ka pa pag nag-exceed ka sa allowable speed limit.
I-anticipate ang red signal o kung paliko ka sa kanto, mag-menor. Mag slowdown imbes na biglang preno na mas makonsumo.
Kung malamig naman ang panahon gaya ngayong tag-ulan, huwag nang buksan ang aircon.
Alisin ang mga hindi kailangang karga sa compartment – umuubos ng power at nagpapahina ng makina ang bigat ng sasakyan.
Laging magkarga ng tamang tire pressure. Kung under-inflated, mas makonsumo.
I-practice din ang carpooling. Makatitipid ka na sa gasolina, mas masaya pa ang biyahe dahil may mga kasama ka.
Kung malapit lang din ang pupuntahan, maglakad na lang. Tipid na sa konsumo ng petrolyo, nakapag-ehersisyo ka pa.
Mainam ding maghanap ng gasolinahang nag-aalok ng mga promo o diskuwento.
Bawat lugar, iba-iba ang presyo. Sa Sta. Rosa-Tagaytay Road, mas mura nang halos limang piso kada litro ang petrolyo kumpara sa bentahan sa Metro Manila.
Kaya kung magagawi ka sa Tagaytay, magpa-full tank na sa ilang gasolinahan gaya ng Petro Gazz para makamenos.