Mensahe ng namatay sa kaibigan

Dear Dream Catcher:

Napanaginipan ko ang best friend ko na may ilang taon nang namatay. Sa pa­naginip ko, nakita ko siyang nakatayo sa labas ng isang magandang bahay, parang palasyo ang bahay. Masayang-masaya ako at napasigaw ako nang makita ko ang kaibigan ko. Sa panaginip ko, hindi ko alam na patay na siya. Nagkuwentuhan pa kami at sinabi niyang masaya siya at mababait ang kanyang mga kasama. Hindi niya ako pinapasok sa bahay niya dahil saka na lamang daw ‘pag nagkita ulit kami. Paggi­sing ko saka ko na-realize na patay na nga pala siya. Pero ramdam kong ang saya-saya ko.

Alena

Dear Alena:

Madalas na ang mga pa­naginip tungkol sa ating mga yumaong mahal sa buhay ay bunga lamang ng ating pangungulila. Kadalasan din na ang mga ganitong panaginip ay paraan ng ating isip para tuluyang magkaroon ng acceptance sa isang kamatayan, para tuluyang makapag-move on.

Pero may pagkakataong ang pana­ginip tungkol sa isang namatay na minamahal ay isang visitation dream.

Ang isang panaginip sa namatay na minamahal ay isang visitation dream kung ito ay may malinaw na mensahe, naramdaman mo ang naramdaman ng namatay, nag-iwan ito sa iyo ng kakaibang pakiramdam at kung kumbinsido kang totoong nakausap mo ang isang namatay.

Ang iyong panaginip ay maituturing na isang visitation dream.

Malinaw ang naging mensahe ng iyong kaibigan. Nakita mong masayang-masaya siya, nasa isang hindi pangkaraniwang lugar at maging ang eksenang hindi ka niya pinapasok sa kanyang tinitirahan sa halip ay ipinangakong sa iyong pagbabalik ay papapasukin ka na niya ay tumutugma sa mga depenisyon ng isang tinatawag na visitation dream.

Alam mo sa sarili mo kung ito’y bu­nga lamang ng isip mo o tunay kang dinalaw at kinausap ng iyong kaibigan. Wala nang ibang dapat maging kahulugan ang iyong panaginip kundi kung ano ang nararamdaman ng puso mo.

Dream Catcher

***

DISCLAIMER: Ang DREAM CATCHER ay nagbibigay lamang ng general information tungkol sa mga kahulugan ng ating pa­naginip. Wala itong kinalaman sa relihiyon, kulto o anumang ispi­ritwal na aspeto ng buhay. Sa mga gustong isangguni ang kanilang panaginip, mag-email sa abantedreamcatcher@gmail.com.