Mental health, kalbaryo ng mga OFW sa quarantine

Nakararanas na umano ng mental health problem ang ilang overseas Filipino worker (OFW) na naka-quarantine sa Metro Manila.

Sa panayam ng Radyo Pilipinas, sinabi ni Administrator Hans Leo Cacdac ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) na nagkakaroon na ng mental health issues ang ilan sa mga naka-quarantine na OFW kaya pinuntahan na ang mga ito ng isang team mula sa National Center for Mental Health (NCMH).

Gayonman, hindi tinukoy ni Cacdac kung ang mga OFW na nakararanas ng mental health issues ay dahil sa depresyon o matinding pagkabagot sa paghihintay kung kailan makauuwi sa kanilang mga lugar.

“`Yung mga nagkakaroon ng mental health issues, tiningnan na ng National Center for Mental Health team at in-assess na ang sitwasyon ng mga ito sa halfway homes,” ani Cacdac.

Mayroon na rin aniyang ibinibigay ang OWWA na psychosocial counselling sa mga OFW na nasa iba’t ibang quarantine facility sa Metro Manila habang naghihintay sa resulta ng kanilang COVID-19 test.

“Meron tayong psychosocial counselors na umiikot, hindi necessarily para doon sa mga mental cases kundi parang gabayan lang `yung mga tao sa psychosocial counselling,” dagdag ni Cacdac.

Karamihan sa mga OFW na hindi pa rin nakauwi sa kanilang lugar ay dumating sa bansa noong buwan ng Abril pa at lagpas na sa 14 araw na quarantine dahil sa ipinairal na swab testing requirement na matagal lumabas ang resulta.

Samantala, ilan sa mga OFW na naghihintay sa resulta ng kanilang swab test ay inabutan na ng panganganak sa Metro Manila.

Sinabi ni Cacdac na mayroon pang tinatayang 50 buntis na OFW ang binabantayan ng OWWA sa ngayon para masiguro ang kaligtasan at kalusugan ng mga ito.

“Mga anim na `yung napanganak nating babies, nandun sila sa OWWA facility ngayon, ang buntis siguro nasa mga 50 at mino;monitor naman sila ng mga nurses at midwives. `Yung mga nanganganak ay nadadala naman sa mga ospital,” wika pa ni Cacdac.

Itinanggi nito na napapabayaan ang mga naka-quarantine na OFW lalo na ang mga buntis dahil mayroon maman aniya silang sistema para sa panganganak ng mga ito.

“Napapabayaan? Wala pong katotohanan, kasi inaasikaso naman sila at meron naman tayong sistema sa pagpapaanak,” dagdag pa ni Cacdac. (Aileen Taliping)