Dear FURRever FURRiends:

Malapit na ang 2020 kaya ngayon pa lang ay babatiin ko na kayo ng Hayop na Bagong Taon! Hayop nga ang New Year natin pero kawawa naman ang mga hayop sa lakas ng ingay ng mga paputok.

Kamakailan lamang ay binalaan ng Philippine Animal Welfare Society (PAWS) at ng EcoWaste Coalition ang publiko laban sa paggamit ng paputok dahil ito ay mapanganib sa ating mga alaga.

Totoo po ito dahil tuwing New Year’s Eve, nakikita ko ang takot sa mga aso’t pusa ko kapag nakakarinig sila ng malalakas na putok. Nanginginig sila at nagtatago sa ilalim ng sofa at kama.

Dahil malakas ang pandinig ng mga hayop kumpara sa atin, mas naririnig nila ang lakas ng tunog ng paputok. Ang usok naman na galing sa fireworks ay maaaring magdulot ng disorientation at mahinang appetite sa ating mga alaga. Isa pa – ang mga paputok ay nakalalason kapag ito’y hindi sinasadyang nakain ng aso o pusa niyo. Huwag na natin hintaying mangyari ito sa ating mga furbabies! Dapat proactive tayo sa pagiging pet parent.

Ito po ang aking mga tips para ma­ging mapayapa ang Bagong Taon nina bantay at muning:

1) Huwag nang magpaputok. Mag-karaoke nalang po kayo o magpatugtog ng malakas na musika. Makakatipid pa kayo at magagamit niyo ang pera para sa mga pangangailangan ng inyong alaga.

2) Samahan niyo ang inyong pet sa pinakatahimik na silid sa inyong tahanan at manood ng TV. Mas makatutulong kung ang TV ninyo ay malakas ang volume para mapatungan ang malalakas na pasabog. Takpan niyo rin ang mga bintana para mabawasan ang ingay.

3) Huwag niyo silang ikukulong sa isang maliit na silid at iwanan mag-isa. Mas matatakot lang po sila at posibleng masak­tan nila ang sarili nila sa kakahanap ng paraang tumakas.

4) Sa umaga ng December 31 habaan po ninyo ang morning walk ni doggy para makatulog siya sa gabi.

5) I-secure ang inyong tahanan para walang ‘escape route’. Kapag takot ang hayop, lalo na ang pusa, maaari itong ma-disorient, tumakbo palabas at mawala. Mas maganda kung updated ang mic­rochip ng inyong pet at may collar with tag na may pangalan, address at number ninyo.

6) Kung may budget po kayo, mag-check in sa isang hotel na dog-friendly at piliin niyo ang mataas na palapag para malayo kayo sa ingay.

Sana po itong Bagong Taon ay isipin din natin ang kapakanan ng ating mga companion animal!

Puppy New Year sa inyong lahat!
Joyce

Photo by Alec Favale
Email: UsapangPetmaluAtbp@yahoo.com
Facebook: Joyce Ann Burton Titular
Instagram: Joyce Ann Burton