Meralco binira sa brownout, mataas na bill sa ECQ

Nanawagan ang Power for People Coalition o P4P sa Energy Regulatory Commission (ERC) na imbestigahan ang biglang paglaki ng mga electricity bill ng mga consumer ngayong panahon ng enhanced community quarantine (ECQ) kung saan mahigit pa sa triple ang sinisingil sa kanila ng Meralco.

Ayon sa P4P, kabigla-bigla ang paglaki ng itinalang gamit sa kuryente ng mga consumer ng Meralco gayong madalas naman ang brownout ngayong ECQ.

Sabi ng P4P, 52 ang tripping event mula Mayo 6 na naramdaman ng mga consumer at triple ang inulat na paglaki sa konsumo ng mga tao na nakita sa kanilang bill.

Hinala ng P4P, ginagamit ng Meralco ang ECQ bilang pangtakip sa mga kakulangan nito. Kahit na madali naman umano maintindihan na lalaki talaga ang konsumo ng mga tao sa kuryente ngayong ECQ, kamang-hamangha namang na magtriple ito sa loob lamang ng isang buwan gayong sarado naman ang mga pabrika at wala dapat na kakulangan sa kuryente na magpapamahal nito.

“We cannot help but feel that Meralco is using the ECQ as a convenient scapegoat to cover up their shortcomings. While it is understandable that people at home will consume more electricity, it is incredible that consumption would increase three or four more times in just a month. And it is unbelievable that when malls, factories, offices, and other large electrical consumers are closed, Meralco’s grid is suddenly incapable of coping with the demand,” sabi ni P4P Convenor Gerry Arances.

Kahit pa pansamantalang suspindedo ang pagbayad sa kuryente dahil sa ECQ, kailangan pa rin itong bayaran at hindi lahat ay siguradong may trabahong babalikan kapag tinanggal na ang ECQ at ang iba naman ay maaring walang matanggap na ayuda mula sa gobyerno.

“People are already very stressed due to the ECQ. They are worried about their jobs…The least Meralco can do is deliver the service consumers overpaid for,” dagdag ni Arances.

Paalala niya sa Meralco, may utang pa itong refund sa mga consumer at ngayon ang magandang pahanon para i-waive nito ang mga bill kapalit ng mga sobrang sinisingil nito ng maraming dekada.