Meralco, Ginebra Rematch sa Finals

Finals Game 1 sa Enero 8, 2020:
(Smart AranetaColiseum)
7:00pm – Ginebra vs Meralco

Tumaas ang boltahe ng Meralco Bolts sa second­ half, kinuryente ang TNT KaTropa, 89-78, sa do-or-die Game 5 ng kanilang semifinals series kagabi sa Ynares Sports Center sa Antipolo City upang makipag-areglo ng best-of-seven titular showdon kontra crowd darling Barangay Ginebra sa 2019 PBA Governors Cup simula Enero 8.

Ikatlong pakikipagtagpo na ito ng Meralco sa Ginebra sa championship series sa nagdaang apat na taon.

Katulad ng inaasahan, umararo sa opensa ng Bolts ang two-time Best Import na si Allen Durham sa ikinamadang 28 points, kasahog ang 10 boards, 8 assists at isang agaw.

Pero malaking kontribusyon din ang ginawa nina Chris Newsome at rookie Bong Quinto, na binuksan ang final frame sa isang tres at isang turn around shot kontra Jayson Castro para iangat sa 10 ang kalamangan, 71-61.

Tumapos sina Newsome ng 23 marka habang may 19 naman si Quinto.

Kumana ang una ng tatlong tres sa anim na bitaw habang perpek­tong 3-of-3 sa three-point area si Quinto, na itinanghal ding Best Player of the Game.

Bahagyang nagkaroon ng komosyon nang magkagirian sa sahig sina Durham at David Semerad sa 10:15 mark ng fourth canto dahil sa agawan ng puwesto sa ilalim. (Lito Oredo)