Nanawagan ang good governance advocate at dating hepe ng Presidential Anti-Graft Commission na si Atty. Nicasio Conti sa power utility firm na Manila Electric Company (Meralco) na unahin at intindihin ang kapakanan ng taumbayan, sabay hirit at ‘minimum’ na lang muna ang ibayad sa bill sa kuryente, lalo na’t kababalik lang ng karamihan sa trabaho.

Ayon kay Conti, hindi rin lahat ay 100 porsyento nang balik-trabaho at karamihan ay hindi rin kumpleto ang araw ng pasok kaya bawas din ang kanilang suweldo.

“Dagdag sakit ng ulo ni Juan Dela Cruz na bukod sa iisipin ano ang ipapambili ng pagkain, upa sa bahay, ay sasabayan pa ng mataas na singil ng kuryente,” pahayag ni Conti.

Sinabi ng dating PAGC chief na sa panahon na wala pang katiyakan ang lahat bunsod ng coronavirus o COVID-19, hindi maganda na may ganitong dagdag problema na dadalhin ang ordinaryong obrero.

Sa ilalim ng kanyang panukala, ‘minimum’ muna ang pabayaran sa Marso, Abril at Mayo na mga bill ng kuryente.

“Ang reading ng Mayo ay babawasan ng reading ng metro bago mag-ECQ para malaman ang konsumo sa 3 buwan. Pagkatapos ay babawasan ang napabayad na minimum at saka na lang magkaroon ng adjustment at installment payment sa buwan ng Hunyo para doon sa above minimum na konsumo,” paliwanag ni Conti.

Giit pa nito, mas makatao itong ganitong sistema kaysa sa ipinatupad ng Meralco.

“Mas makatarungan yan kaysa naman base sa “estimate” lamang nila ang babayaran. Eh paano kung sobra na naman ang bill at may overcharge? Ilang taon na naman ang refund,” dagdag ni Conti, sabay pahapyaw kaugnay sa naging kautusan ng Korte Suprema na magrefund ang Meralco ng P28.1 bilyon sa mga consumer nito.

Sa panayam sa DZBB, nangako naman si Meralco spokesman Joe Zaldariagga na hindi na muna sila magpuputol ng kuryente.

Nangako din sila na magsasagawa ng reading ng mga metro ng kuryente.

Naunang sinabi ni House Minority Leader at Bayan Muna Rep. Carlos Isagani Zarate na dapat na muling pag-aralan ng Energy Regulatory Commission kung may nilabag ang Meralco sa mataas na singil sa mga consumers.