Mga laro ngayon:
(Smart Araneta Coliseum)
4:30 pm – NLEX vs. Meralco
7:00 pm – Magnolia vs. NorthPort
Sumandal sa depensa ang Meralco para makabingwit ng malaking isda sa unang sigwada ng kampanya sa PBA Governors Cup.
Biniktima ng Bolts ang defending champion Magnolia Pambansang Manok 98-92 nitong Sabado, babalik ng Smart Araneta Coliseum ang hukbo ni coach Norman Black para harapin naman ang NLEX na galing din sa 123-116 win kontra Phoenix Pulse.
Aangat sa 2-0 ang mananalo sa Bolts o Road Warriors sa alas-4:30 ng hapon, pati ang NorthPort kapag nanaig sa Hotshots sa second game mamayang alas-7 ng gabi.
Nalimitahan ng Bolts sa 35 points lang sa second half ang Magnolia, shut out sa final 4:40 ng laro.
Kasabay niyon ay nagsabwatan sina Chris Newsome, Allen Durham, Raymond Almazan at Baser Amer para isagwan sa panalo ang Meralco.
Mas matigas lang ang Road Warriors na humarabas sa pagbalik ni Kiefer Ravena para ibaon ang Phoenix 123-116 nitong Sabado rin.
Sa unang laro tapos ang 18-month FIBA-sanctioned suspension, pasabog si Ravena ng 20 pts., 9 rebounds, 7 assists at 3 steals. May 29 pts., 11 rebs. at 6 asts. si import Olu Ashaolu.
Nagbaon si Kiefer ng apat na 3-pointers bahagi ng 20 triples ng Road Warriors na kapos ng isa sa franchise record.
“Considering the offensive efficiency NLEX displayed in their first game, we will have to be on our game defensively to get a win,” ani Black. “Slowing down Kiefer and their import will be a priority, along with defending their 3-point shots.” (VE)