Kinumpirma ng Court of Appeals (CA) ang kapangyarihan ng Energy Regulatory Commission (ERC) na re­­solbahin ang kaso ng anti-competitive behavior at iba pang unfair trade practice sa sektor ng enerhiya.

Sa 25 pahinang resolusyon, may petsang Mayo 23, at isinulat ni Asso­ciate Justice Apolinario Bruselas, Jr. ibinasura ng Twelfth Division ng CA ang petisyon ng Manila Electric Company (Meralco) ng 71-anyos na binatang negosyanteng si Manny Pangilinan at ang mga subsidiary ng Aboitiz Power Corp. ni Endika Aboitiz na kumukuwestiyon sa hurisdiksyon ng ERC na resolbahin ang isyu ng kompetisyon kaugnay ng nangyaring shutdown ng Malampaya gas facility na nakaapekto sa power supply ng bansa noong 2013.

Hindi pinaboran ng appellate court ang argument ng petitioner na ang Philippine Competition Commission (PCC) ang siyang dapat huma­wak sa nasabing usapin.

“Since the complaints against the petitioners were validly filed prior to the enactment of the PCA (Philippine Competition Act), the PCC has no jurisdiction over the petitioners’ case. The jurisdiction to try their cases remains with the ERC, the body conferred with jurisdiction by EPIRA, the law then in force when the complaints against them were filed,” bahagi ng desisyon ng korte.

Matatandaan na noong Hunyo 4, 2015, inireklamo ng anti-competitive behavior sa ERC, ang Meralco at mga subsidiary ng Aboitiz na Therma Mobile Inc., at AP Renewables, Inc. dahil sa diumano’y ‘economic withholding’ ng Rule 11, Section 1 ng EPIRA Law.

Sa nasabing probisyon ng batas, ipinagbabawal sa electric power industry na gumamit ng ‘physical ope­rating practices or bidding strategies’ upang malimita ang partisipasyon ng generation unit na magreresulta sa pagtaas ng presyo ng kuryente sa merkado.